Noon pa man, itinatanong ko sa aking sarili kung bakit ang iilan sa atin ay mas piniling iwanan ang umuusbong na buhay sa kabihasnan at ipagpalit sa mas delikadong pakikibaka sa bundok? Bakit mas gugustuhin nilang sa maya’tmayay tumakbo mula sa tumutugis na pwersa ng pamahalaan? Bakit itataya nila ang kanilang mga hiram na buhay para sa isang kawsang tila yata hindi sineseryoso ng ating pamahalaan? Ngayon, unti-unti nang nagkakahubog ang mga sagot sa mga tanong na bumagabag minsan sa aking kamalayan.
Sa kasagsagan ng tila hindi mamatay-matay na NBN-ZTE scandal, hindi ko lubos maisip na ang isang pamahalaang tinagurian pa naman sanang isang demokrasya ay papayagang sanang mangyari o tila yata makalusot ang isang kasunduang sa simula pa lang ang pinutakti na ng butas. Totoo man o hindi, ang lumulobong bilang ng mga saksi ay hindi maitatawa. Ang kumakapal na pahina ng mga ebidensiya ay magsisilbing patunay na marahil ang kaunting nakakaalam ay tinatamasa sana ngayon ang matatawag nilang komisyon. Ang diretsong o hindi tuwid na pag-amin ng mga nasasangkot ay hindi sana mangyayri kung hindi nagkaroon ng aberya ang plinanong kasunduan.
Ako’y nanalangin na ang isang malaking panloloko sa tao at paglulustay sana sa pera ng bayan ay hindi nangyari sa nakaraan, nangyayari sa kasalukuyan o mangyari sa hinaharap. Sa dinamirami nang kabulastugang napatunayan, anong kasiguruhan na hindi ito mangyayaring muli? Tila yata wala na itong patutunguhan..
Sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bilihin, hindi isang ZTE scandal ang ating kailangan. Isang pagbabago sa gobyerno, pag-iiba ng pagkatao ng mga nakaupo, at pagpapadami sa diretsong ginagampamnan ang kanilang tungkulin inihabilin sa kanila ng mamayan. Kung hindi, dadami at dadami parin ang mamumundok! Madaragdagan ang magiging kalaban ng gobyerno sa bundok man o sa patag.
Sana naman ang pagbabago’y mangyari sa lalong madaling panahon.
P.S. Salamat kay JCBATAN para sa imahe.